"Tanggapin natin na may mga naging importanteng tao sa buhay natin na ating nakilala ang hindi na natin makikita pa, sa kabilang buhay na lang siguro"
-juan makaluma
MAY LUNGKOT NA DALA ANG TAKIPSILIM!!!
Ito ang isang bagay na aking napagtanto habang tahimik na pinagmamasdan ang unti-unting pagdidilim.
Sa isang iglap matapos marinig ang panandaliang tawanan sa mga kwento ng aming propesor tungkol sa kanyang mga naging kalokohan nung siya'y nag-aaral, bigla kong naalala ang ilang mahahalagang kabanata sa aking buhay.
Tatlong taon ang nakalipas buhat ng lisanin ko ang eskwelahang iyon, tanging ang mga litrato na lamang ang naiwang bakas ng nakaraan.Alingawngaw ng tawanan at halakhakan na lamang ang aking naririnig.
ASAN NA KAYA SILA?
Tanggap natin sa buhay na ang hayskul ang isa sa pinakamasayang yugto ng ating buhay pag-aaral.Unang pag-ibig? Karamihan dito natin unang ipininta.
Makulay hindi ba???
Sa isang banda bigla ko siyang naalala ,Unang pag-ibig ba kamo? Siya na nga yun...
Ito ako muli at nakatayo sa entablado, tinatanggap ang pinaghirapang diploma, kung meron man marahil hudyat sa pagtulo ng luha sa aking mga mata nung mga oras na iyon ay ang marinig ang aming awit pagtatapos.Maging ang masungit naming guro ay hindi nakaligtas sa pagiging madrama.
Hindi ko hinayaang matapos ang gabing iyon ng hindi kami nagkakausap, matapos ang lahat ng malulungkot na nangyari gusto ko'y kahit papaano mag-iwan ng panghuling salita."Mag-iingat ka", tanging salita na naisambit ko ng mga sandaling iyon."Ikaw din", matamis na ngiti ang aking naging sukli.
Nagbitiw ako ng malalim na buntong hininga at ibinalik ang aking buong diwa sa reyalidad, sana magkita pa tayo balang araw!